SKMB News

Budget ng Kabataan, SKMB Transparency Portal Guidebook

Karapatan nating makita ang budget

Karapatan ng bawat residente ng bawat barangay, munisipalidad, at lungsod na magkaroon ng akses sa budget ng kanilang lokal na pamahalaan. Dahil, sa madaling salita, budget natin ito.

May karapatan tayo bilang mga residente na makita kung saan napupunta ang ating mga buwis sa lokal at nasyonal na antas. Kaya, karapatan ng bawat #KabataangBalara ang:

01

Makilahok sa mga proseso ng pagpapasya na isinasagawa ng Sangguniang Kabataan, mula pagpaplano ng budget at proyekto hanggang sa implementasyon nito.

02

Makita kung saan napupunta at inilalaan ang kanilang budget.

03

Maramdaman ang serbisyo ng Sangguniang Kabataan na karapatan matanggap ng bawat #KabataangBalara.

Saan nanggagaling ang budget ng Sangguniang Kabataan?

Ang budget ng SK ay mula sa general fund ng barangay na kanilang kinabibilangan. Nakasaad sa Chapter 2, Section 20, Paragraph A ng Republic Act No. 10742, na "Ten Percent (10%) of the general fund of the barangay shall be set aside for the Sangguniang Kabataan."

114,711,925.62Kabuuang budget o general fund ng barangay ngayong Fiscal Year 202611,471,192.56Budget ng Sangguniang Kabataan ng Matandang Balara

Paano naaprubahan ang budget ng Sangguniang Kabataan?

Dahil may fiscal autonomy ang Sangguniang Kabataan, dumadaan sa masusing proseso ng pag-apruba ang budget sa Local Youth Development Office (sa ating lungsod, ang Quezon City Youth Development Office), SK Federation, City Budget, Committee on Laws, at City Council.

Ano ang kailangang isaalang-alang ayon sa batas?

Una, dapat nakaangkla ang Projects, Programs, and Activities na nakasaad sa Comprehensive Barangay Youth Development Plan at Annual Barangay Youth Investment Plan sa Philippine Youth Development Plan (PYDP), at sa Local Youth Development Plan (LYDP) o, sa Quezon City, ang Quezon City Youth Development Plan.

Makikita sa PYDP, na nakaangkla rin sa AmBisyon Natin 2040, ang mga Centers of Participation (CoP). Sa bawat CoP na tinatalakay rito, makikita ang mga isyung panlipunang pumapatungkol sa kabataan, mga datos na sumusuporta rito, at naaayon na estratehiya at aktibidades para makamit ang pangmatagalang mga hangarin (vision and outcome statements) na nakasaad sa PYDP.

Dagdag dito, nararapat din na nakaangkla ang mga plano ng Sangguniang Kabataan sa QCYDP na hinuhulma ng QCYDO, SK Federation, at Quezon City Youth Development Council (QCYDC). Ang bawat LYDP ay naglalayong ma-contextualize o i-ayon ang PYDP sa mga kontekstuwal na kalagayan o pangangailangan na natatangi sa lugar na iyon.

Ang kahulugan ng mga status sa PPAs

Completed

Tapos at fully implemented na ang proyekto.

On-going

Tuloy-tuloy na isinasagawa ang proyekto; ang mga materyales nito ay delivered at nasa SKMB Hub.

In-Progress

Nasa proseso ng pagpaplano ang SKMB para sa mga detalye ng proyekto, gaya ng program flow, target areas o venues, at partnership-building.

Up Next

Nasa proseso pa ng pagpaplano ang proyekto at wala pang na-aprubahan na Purchase Order ang SKMB Council.

Ano ang pagkakaiba ng Allotted Budget at Project Expenditure?

Ang Allotted Budget na nakalagay sa bawat pahina ng Projects, Programs, at Activities natin ang naaprubahang budget ng PPA ng City Council na nakasaad sa ating Annual Barangay Youth Investment Plan, Comprehensive Barangay Youth Development Plan, at iba pang supplemental attachments.

Ang Project Expenditure ang kabuuang gastos para lamang sa mga materyales na kailangan ng proyekto.

Mula sa pondong inilaan sa isang PPA sa ABYIP, ang halaga ng kontratang na-award sa nanalong bidder matapos ang procurement process ang magiging batayan ng pagbabayad. Sa oras ng pagbabayad, ang pamahalaan ay inaatasang magkaltas ng mga naaangkop na withholding taxes, gaya ng Expanded Withholding Tax (EWT), Withholding Tax (WT), at City Tax (CT).

WT Lowest Competitive Bid divided by 112% multiplied by 5%

EWT Lowest Competitive Bid divided by 112% multiplied by 2%

CT Lowest Competitive Bid multiplied by 1%

Summary

Sa artikulong ito, tinalakay natin ang kahalagahan ng pakikilahok ng kabataan sa mga proseso ng pagpapasiya ng Sangguniang Kabataan, kung saan nanggagaling ang budget ng SK, kung paano ito inaaprubahan, at ano ang mga pamantayan na kailangang isaalang-alang sa paghahanda nito.

Bilang panghuli, nawa'y lagi nating tandaan na karapatan natin bilang mga mamamayan na maging mapagmasid. Karapatan nating malaman kung saan napupunta ang ating buwis. Karapatan nating makatanggap ng kalidad na serbisyong publiko.

Reference

Paalala na ang artikulong ito ay isinulat at isinalin sa pamamaraan kung saan madali itong maiintindihan. Nagsisilbi itong buod o highlights lamang ng kabuuang proseso ng pagbabadyet na isinagawa ng SKMB. Hindi ito isang sulating pananaliksik; bagkus, layunin nitong maging gabay para sa bawat mamamayan na babasa at susuri ng mga nilalaman ng SKMB Transparency Portal.